Saturday, January 20, 2007

Ngayong Gabi.

*Long post ahead.

Ito ang unang-una kong Tagalog na post sa blog na 'to.

Bakit? Bakit ako nag-Tagalog?

Sabihin na lang natin na masyadong maraming nangyari at hindi ko na kaya ipaliwanag pa sa salitang Ingles ang mga pangyayari. Ngayong gabi, sa loob lang ng gabing ito, maraming nangyari sa akin na alam kong makakaapekto sa buhay ko.

Sino nga ba talaga ako? Isa lang naman akong tao na nagtatago sa alyas na "theWhore". "theWhore", na ang ibig sabihin ay isang 'PUTA'. Puta ba talaga ako? Hindi, syempre. Isa lamang akong tinedyer, labing-limang taong gulang na tinedyer na naglalabas ng lahat ng hinanakit sa mundong ito sa blog na ito.

Ngayon, binuksan ko na talaga kung sino ako. Ngayon, sa gabing ito, minamarkahan ko ang oras kung kailan kailangan ko nang harapin ang mga bagay na matagal ko nang tinatakbuhan. Ngayon, sisimulan ko na.

Ngayong gabi, sinaktan ko ang kaibigan kong pinangakuan kong hindi ko sasaktan. Tulad ng lagi kong ginagawa, nagpadalos-dalos na naman ako sa pagsasalita at hindi nag-isip kung ano ba talaga ang dapat kong sabihin. Sinaktan ko siya. Sinaktan ko ang sarili ko. Sinira ko ang lahat. Ano pa bang dapat kong sabihin? Sorry? Thank you? Goodbye? Magulo ba ang isip ko o kalmado ang aking loob? Anong sinasabi ng isipan ko? Anong sinasabi ng puso ko?

Sa ngayon, wala. Wala akong gustong intindihin at harapin. Gusto kong tumakbo, pero alam kong mali. Komprontasyon? Imposible. Masyado nang malalim ang sugat para mahilom pa. Masyado nang maraming lumabas na dugo. Oo, maghihilom din ito, ngunit ang pilat na iiwan nito ay imposibleng hindi na muling madama at makita. Ako na ang nagsasalita para sa sarili ko, wala na akong nakikitang pag-asa para maayos pa ang lahat.

Isang pagkakaibigang hindi ko tinutuldukan, ngunit ako mismo ang nawawalan ng pag-asa.

Ngayong gabi, nagkaroon ng palitan ng masasakit na salita mula sa aking ina at kapatid. Respeto. Pang-unawa. Hindi ko na alam. Tatlo lang kami. Wala na akong ama. Sa labing-limang taong nabuhay ako sa mundo, dalawang taon ko lang siya nakasama.

Pero hindi kinulang ang ina ko sa pagbibigay sa amin ng lahat ng bagay na dapat mayroon kami. Hindi kami kailanman kinulang sa materyal na bagay, kahit sa pagmamahal. Masuwerte ako dahil hindi ko naramdaman na wala akong kwenta sa mundong ito dahil sa kanya.

Pero, silang dalawa, silang pinakamalapit sa akin, hindi sila nagkakaintindihan. Matanda lang ako sa kapatid ko ng isang taon, pero hindi ko alam kung bakit natuto siyang sumagot ng ganoon. Hindi lang ito ngayon nangyari, pero hindi ko matanggap na kailangan pang mangyari ang ganito.

Ngayong gabi, tinanggap ko na sa sarili ko na nagsasawa na ako sa mga bagay sa buhay ko. Gusto kong takasan lahat. Lahat sila. Ang pamilya ko. Ang mga kaibigan ko. Ang buhay-eskwelahan ko. Ang lahat ng umaasa at naniniwala sa kakayahan ko. Nagsasawa na ako sa kanilang lahat.

Gusto ko nang tumakbo mula sa sarili kong buhay.

Alam nating lahat, imposible at hinding-hindi ko magagawa yon. Pero kahit ako, hindi ko na rin alam kung anong gagawin ko. Wala na akong mga kaibigang matakbuhan. Kahit sila, may mga sariling problemang kailangan harapin. Mga problemang ako rin ang nagdulot sa kanila.

Ano nga bang klaseng tao ako? Hindi ko rin alam. Pakiramdam ko, kilalang-kilala ko na ang sarili ko, alam ko na ang lahat ng kaya kong gawin at hindi. Pero, hindi. Nagkakamali ako. Hindi ko kilala ang sarili ko. Dahil ngayong gabing ito, nawawala na ako sa sarili ko.

Naisip ko, gusto ko nang kunin ang sarili kong buhay. Pero, hindi. Marami pang magandang bagay sa mundo na kailangan ko pang makita at madama. Marami pa akong dapat matutunan. Marami pang pagkakataon ang darating. Marami pa. At bata pa ako.

Kanina, nakita ko yung sigarilyo sa kaha. Naisip ko, sana marunong ako manigarilyo. Sana, kahit man lang sa paraang ito, maipakita ko ang pagrerebelde ko sa buhay. Sana, ngayong sandaling ito, may taong mag-aalok sa akin ng alak at makikinig sa akin habang tinutungga namin ang alak. Sana, ngayong sandaling ito, makalimutan ko silang lahat.

At sana, sa paggising ko, mabubura ang lahat ng alaala ng gabing ito.

*Sorry for the drama.


6:50 PM